RSS | Archive | Random

About

Following

Comments
blog comments powered by Disqus
18 August 09

Sa Ibabaw Ng Tulay

Pag gabi na, tuwing aakyat ako sa lakarang tulay sa Bicutan exit patungong SM, nagmimistula akong bata’t napupuno ng takot dala ng aking mapaglarong imahinasyon. Pagbaba ko pa lang sa sasakyan ng aking kaibigan o ka-opisina na dederetso na papasok ulit ng South Superhighway, lumilingon na ako sa aking paligid, napapraning sa kung sino ang mga naghahanap lamang ng sakay o nagpapalipas ng oras at sino ang naghahanap ng biktima.

Habang naglalakad sa itaas ng tulay, nakakalimutan ko na isang minuto lang ang lakad na ito patungo sa kinauupuan ng guwardiya ng SM. Sa dinami-dami ng akyatan at sa lapad ng lakaran, sa bawat galaw ay lilingon ako sa paligid, halos nag-aabang na ng taong patakbo patungo sa ‘kin, ang senyales na dapat na rin akong tumakbo o sumigaw ng saklolo.

Sa paglalakad na ito’y lahat ay may sala hangga’t malampasan ko na sila, maliban na lang sa mga matatanda o ang mga may karga-kargang bata. Isang napakalaking buntong hininga ang tanging kapalit ng paglalakad na ito, at madalas ay nanggagaling lang ito sa pagtagpo ng aking mga praning na mata sa guwardiyang naka-istambay sa gilid ng sarado nang SM Bicutan.

Hindi ako madalas mapraning, at sa aking propesyonal at personal na buhay ay masasabing mayroon akong bilib sa sarili ko. Pero sa tuwing maglalakad ako sa lakarang tulay na ito, naaalala ko kung gaano ako kahina at walang kontrol. Isa itong paalala na mortal lang ako’t hindi ko hawak sa aking mga kamay ang kabuuan ng aking kapalaran.

Themed by Hunson. Originally by Josh